Ayon sa DFA, matapos matanggap ang impormasyon agad tinulungan ang nasabing mga OFW sa Jeddah.
Sinabi ni Consul General Edgar Badajos ng konsulada ng Jeddah na ang 20 OFWs ay nasa pangangalaga ngayon ng Bahay Kalinga ng Philippine Overseas Labor Office (POLO).
Ang mga manggagawa ay ipinadala sa Jeddah ng Saudi recruitment agency.
Kalaunan ay inilipat sila ng kumpanya at itinalagang “cleaners” sa mga ospital sa Jeddah at mga residential homes.
Gayunman, hindi nababayaran ang sweldo at food allowance ng mga Pinoy sa nakalipas na dalawang buwan kaya sila nagpasyang huwag nang bumalik sa trabaho.
Inaasikaso na ang repatriation o pagpapauwi sa mga OFWs sa pakikipag-ugnayan sa kanilang recruitment agency.