Dumaong sa Vladivostok, Russia ang isang sasakyang pandagat ng Philippine Navy para sa isang goodwill visit.
Makikita sa Facebook Live video na pinost ni Philippine Ambassador to Russia King Sorreta ang pagdaong ng BRP Tarlac upang bisitahin ang Russian Pacific Fleet.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakapunta sa Vladivostok ang sasakyan ng Philippine Navy.
Sa isang pahayag, sinabi ni Navy spokesperson Commander Jonathan Zata na isa itong makasaysayang pangyayari sa pagitan ng Pilipinas at Russia.
Lulan ng BRP Tarlac ang 440 personnel.
Nauna nang sinabi ni Zata na layunin ng pagbisita ang pagpapalakas ng kooperasyon at relasyon ng dalawang bansa patungkol sa nararanasang mga maritime challenges.
Mananatili sa Vladisvostok ang BRP Tarlac hanggang October 6.
Matapos nito ay magtutungo naman ang Navy vessel sa Jeju Island sa South Korea upang makiisa sa International Fleet Review mula October 10 hanggang 15.