Sa 11PM severe weather bulletin na inilabas ng PAGASA, huling namataan ang typhoon Queenie sa 1,280 kilometro silangan ng Casiguran, Aurora.
Lumakas ang dala nitong hangin sa 180 kilometro bawat oras malapit sa gitna at mayroong pagbugsong aabot sa 220 kilometro kada oras.
Kumikilos ito sa direksyong hilagang kanluran sa bilis na 20 kilometro bawat oras.
Babala ng weather bureau, hindi ligtas ang mamalaot ang mga sasakyang pandagat sa karagatang sakop ng Hilagang Luzon.
Inaasahan din na magdadala ang naturang sama ng panahon ng mahina at paminsan ay katamtamang pag-ulan sa silangang bahagi ng bansa.
Sa ngayon ay walang nakataas na anumang tropical cyclone warning signal sa bansa.
Biyernes ng hapon, October 5, ay inaasahang tuluyan nang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Queenie.