Inalis na sa terrorist blacklist ng European Union (EU) ang pangalan ni CPP founder Jose Maria Sison.
Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Sison na masaya siya sa pagpapawalang-bisa ng European Court of First Instance (ECFI) sa lahat ng naging desisyon at kautusan ng Council of the European Union (EU) na naglalagay sa kaniya sa terrorist blacklist.
Sinabi ni Sison na binigyang-pansin ng ECFI ang mga court judgement sa The Netherlands hinggil sa murder case at asylum case niya.
Ani Sison, pabor sa kaniya ang lahat ng mga pasya ng korte pero, malisyoso ang ginawang pagbibigay kahulugan dito ng Dutch State Council kaya inilagay siya sa blacklist.
Bilang resulta ng pagkakatanggal niya sa blacklist, sinabi ni Sison na mababalewala na ang freeze order sa kaniyang bank account.
Ang pasya aniya ng ECFI ay magbibigay daan sa kaniya para magawa na muli ang mga bagay na ipinagkait sa kaniya ng matagal dahil sa maling paratang na sangkot siya sa terorismo.
Kabilang dito ang mga sumusunod:
1) ang makuha ang mga social payment para sa living allowance, housing, health insurance at old age pension na hindi naibigay sa kaniya mula 2002;
2) makapag-practice ng professional services o makapagtrabaho;
3) makakuha ng legal admission bilang refugee at residence permit;
4) makapagbiyahe ng malaya nang walang restrictions;
5) ang hindi na matawag na terorista;
6) at ang makapag-claim ng moral at material damages sa kaniyang sinapit mula 2002.