Binalaan ng Department of Trade and Industry o DTI ang mga gumagawa ng mga instant noodles dahil sa patuloy na pagtanggi na ibaba ang presyo ng naturang produkto.
Ito’y sa kabila ng pagbaba ng presyo ng trigo o wheat sa world market na pangunahing ingredient sa paggawa ng instant noodles.
Ayon kay DTI Director Anselmo Adriano, kanilang binibigyan na lamang ng hanggang November 5 ang mga manufacturer ng iba’t ibang brand ng instant noodles upang sundin ang kanilang direktiba.
Bumaba na aniya ng 21 porsiyento ang trigo sa world market kaya’t wala nang dahilan upang hindi pa magbaba ng presyo ang mga manufacturer.
Ayon sa DTI, kanilang pinadalhan na ng demand letters ang tatlong leading manufacturer upang ibaba ang presyo ng instant noodles ng bente kuwarto hanggang trenta sentimos bawat pakete.
Kung hindi aniya, mapipilitan silang sampahan ng reklamo ang mga ito ng profiteering.
Dahil din aniya sa decrease sa trigo, inaasahang bababa rin ang presyo ng tinapay sa kalagitnaan ng Nobyembre.