Sinabi ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Ronald “Bato” Dela Rosa na sakaling mahalal bilang senador ay una niyang isusulong ang pagpapanumbalik ng parusang kamatayan.
Ito ang naging pahayag ni Dela Rosa sa panayam ng mga media sa kanyang pagdalo bilang panauhing pandangal sa ikalawang anibersaryo ng Anti Crime and Community Emergency Response Team sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Matatandaang una nang nagpahayag ng kanyang planong tumakbo bilang senador sa 2019 midterm elections si Dela Rosa.
Ayon sa Partido Demokratiko Pilipinas-Lakas ng Bayan (PDP-Laban), kabilang ang dating pinuno ng Pambansang Pulisya sa kanilang senatorial lineup.
Makakasama ni Dela Rosa sina Senador Koko Pimentel, Special Assistant to the President (SAP) Bong Go, presidential adviser on political affairs Francis Tolentino, Presidential Spokesperson Harry Roque, at mga mambabatas na sina Dax Cua, Monsour del Rosario, Bong Mangudadatu, at Karlo Nograles.