Binibigyan ni Pangulong Benigno Aquino III ang Department of Transportation and Communication o DOTC ng hanggang ngayong linggo lamang para maglatag ng solusyon sa lumalaking kontrobersiya ng ‘tanim-bala’ sa Ninoy Aquino International Airport.
Sa harap ito ng lumalakas na panawagan na sibakin na ang mga kasalukuyang opisyal ng airport na nakikinabang umano sa nasabing gawain.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, wala pang ganoong rekomendasyon dahil inaalam pa lang nila ang tunay na sitwasyon para makagawa sila ng tamang solusyon para dito.
Sinabi ni Lacierda na may ibinigay nang direktiba si Pangulong Aquino kay DOTC Secretary Jun Abaya at ito aniya ang bahala na mag detalye ng mga hakbangin na gagawin nito sa nasabing isyu.
Una nang tiniyak ni Lacierda na hindi nila minamaliit ang nasabing problema at ginagawa lamang nila ay nagiging masinsin sila para makahanap sila ng pangmatagalang solusyon sa kaso ng tanim-bala.
Samantala, aminado ang Malacañang na hindi maaring basta na lamang palusutin ang mga nakukumpiskahan ng bala sa mga paliparan.
Paliwanag ni Lacierda, kailangan kasing ipatupad ang umiiral na batas ukol dito.