Regine Velasquez, dumalo sa ABS-CBN Ball

Mas lalong uminit ang usap-usapang paglipat ng Asia’s Songbird na si Regine Velasquez sa Kapamilya network.

Ito ay matapos ang pagdalo ng singer sa ABS-CBN Ball na ginanap kagabi.

Ilang linggo nang pinag-uusapan sa telebisyon, dyaryo at social media ang sinasabing network transfer ng beteranong singer ng Kapuso network.

Sa mga larawan na kumakalat ngayon sa Facebook, kasama ni Regine ang ABS-CBN executives na sina Gabby Lopez, Cory Vidanes at Deo Endrinal.

Hindi naman dumaan sa red carpet si Regine at tanging ang asawang si Ogie Alcasid lamang at anak nitong si Leila ang nagpaunlak sa panayam ng media.

Samantala, bukod sa pasabog na entrada ni Regine Velasquez ay inabangan din ang kauna-unahang pagdalo ni Sarah Geronimo sa engrandeng ball.

Ito ang kauna-unahang beses na lumakad ang Asia’s Pop Superstar sa red carpet ng isang showbiz event kasama ang boyfriend na si Mateo Guidicelli.

Ang ABS-CBN Ball ay ang dating Star Magic Ball at ngayon ay para na sa lahat ng ABS-CBN artists.

Layon ng ABS-CBN Ball ngayong taon na makakalap ng pondo para sa Bantay Bata 163 upang mai-re-launch ang Children’s Village nito sa Norzagaray, Bulacan.

Read more...