Daan-daang katao ang dumarayo para tignan tila na-preserve na mga labi ni Potenciana Saranza, na mas kilala bilang inday Potenciana sa Anda, Bohol lalo na tuwing November 1 at 2.
Iba’t iba ang dahilan ng mga bisitang pumupunta sa kaniya; ang iba ay nais gumaling, habang ang iba ay may hiling na nais matupad tulad na lamang ng pag-pasa sa mga exam.
Ayon sa caretaker na si Reyboy Silud, maraming mga deboto ang dumarayo para sa kani-kanilang kadahilanan, habang ang iba naman ay patuloy lamang na bumibisita bilang panata matapos matupad ang kanilang mga hiniling.
Isa sa kanila ay si Toni Dilig na isang driver na nagsabing gumaling siya matapos magdasal kay Inday Potenciana.
Aniya noong siya ay bata pa, sakitin siya kaya dinala siya ng kaniyang ina sa dambana ni Inday Potenciana.
Ipinanganak si Potenciana noong May 19, 1927 at panganay sa anim na magkakapatid na anak nina Mamerto Cagata Saranza na isang magsasaka at Pilar Amlpayo Escobal sa Anda.
Ayon kay Silud, binenta ng mga magulang ni Potenciana ang kanilang sakahan at mga kalabaw para suportahan ang kaniyang pag-aaral dahil nais niyang maging guro na natupad naman.
Namatay siya noong April 1,1953, halos isang buwan bago ang kaniyang ika-26 na kaarawan nang bumangga sa puno ang truck na kaniyang sinasakyan.
Inilibing siya sa sementeryo sa Gingoong City, Misamis Oriental, at matapos ang sampung taon, nagpasyang ilipat ng kaniyang mga magulang ang kaniyang labi sa Anda.
Ikinagulat ng kaniyang magulang nang makitang buo pa rin ang kaniyang labi nang hukayin ito.
Inilibing siya malapit sa kanilang tahanan sa Poblacion malapit sa Quinale Beach ng Anda, ngunit sinabihan sila ng isang health officer na ilipat ito sa municipal cemetery.
Tulad ng unang beses, nanatiling buo pa rin ang kaniyang mga labi kahit pa ilang taon na ang lumipas.
Agad na kumalat sa Bohol at mga kalapit na probinsya sa Mindanao ang balita kaya maraming mga sabik na matunghayan ang kakaibang pangyayari.
Ngayon, nakalagay ang kaniyang bangkay sa isang glass case sa loob ng isang dambana katabi ng sementeryo.
Maayos na napapangasiwaan ang dambana, may mga bulaklak at mga imahe ng santo na nakalagay sa paligid nito.
Gayunman, nangitim ang kaniyang katawan, at ayon kay Silud, ito ay gawa ng asidong ibinuhos sa bangkay noong hinukay ito.