Maagang dinagsa ng mga hahabol sa huling ng pagpaparehistro ang mga tanggapan ng Commission on Elections (Comelec).
Base sa kanilang monitoring, sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez na bago pa magbukas ang kanilang mga tanggapan sa iba’t ibang panig ng bansa ay mahaba na ang pila ng mga magpaparehistro.
Inaasahan na umano nila ang nasabing pangyayari dahil maraming mga Pinoy ang madalas sa huling araw ng pagpaparehistro humahabol.
Gayunman ay nanindigan ang opisyal na wala silang ibibigay na palugit o extension sa voters’ registration na matatapos mamayang alas-singko ng hapon.
Ipinaliwanag ni Jimenez na nagpatupad sila ng continuing registration sa nakalipas na mga taon at ang huling round ay ipinatupad noong nakalipas na buwan ng Hulyo.
Inaasahang aabot sa 800,000 ang mga bagong botante na aabot sa edad na 18 sa May 13, 2019 elections ayon sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa tala ng Comelec, aabot na sa 61 million ang rehitradong botante na pwedeng makilahok sa susunod na halalan.
Pinayuhan naman liderato ng Comelec ang kanilang mga tauhan na maging magalang at panatilihin ang kaayusan sa inaasahang pagbuhos ng mga magpaparehistro ngayong araw.