Kaso ng NCRPO vs. Drew Olivar, tinanggap na ng DOJ

Opisyal nang naghain ng reklamo ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Department of Justice (DOJ) laban sa pro-Duterte blogger na si Drew Olivar.

Ito ay may kaugnayan sa kanyang bomb scare post noong paggunita sa Martial Law Declaration.

Kinumpirma ni Acting Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na natanggap na ng DOJ ang reklamo.

Matatandaang hindi tinanggap ang kaso ng NCRPO kay Olivar dahil sa kakulangan umano ng dokumento.

Sa reklamo ng pulisya, iginiit nitong nilabag ng blogger ang Presidential Decree 1727 o ang batas tungkol sa malisosyosong pagpapakalat ng maling impormasyon sa bomba o mga pampasabog na may kaugnayan sa Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.

Kabilang sa ebidensyang iprinesenta ay complaint affidavit mula kay Sr. Inspector Rommel Bautista ng Regional Investigation and Detective Managemend Division ng NCRPO, salaysay ng ilang police officers, Certification mula sa PNP-Anti Cybercrime Group, printed copies ng post ni Olivar, isang article mula sa INQUIRER.net noong Sept 22 at video footage ng kanyang interview.

Iginiit ng pulisya na sa isinagawang presscon ng NCRPO ay inamin ni Olivar na hindi totoo ang kanyang impormasyon ngunit ipinost pa rin niya ito sa social media.

Read more...