Sa kanyang talumpati sa harap ng mga career executives officers sa Malacañang, binatikos ng pangulo si Pangilinan sa pagtatakda nito ng minimum age na 15 anyos para sa mga kabataang gumawa ng krimen.
Ayon sa pangulo, hindi man lang nagsaliksik ang senador dahil maging ang Amerika na kinopyahan nito ng kanyang batas ay ibinalik na ang parusa sa mga youth offenders.
Giit pa ng pangulo, walang tiyak na paraan sa ilalim ng ‘Pangilinan Law’ para panagutin ang mga menor de edad.
Hindi naman nagbigay ng detalye ang pangulo sa naging pagpupulong kasama ang mga senador.
Bukod sa pagbatikos sa senador at sa kanyang batas, sinabi pa ni Duterte na hindi na mananalo si Pangilinan sa 2019 midterm elections.
Matatandaang noong nakaraang linggo ay nagpanukala ng Senate Bill 2026 si Senate President Vicente Sotto III upang amyendahan ang batas ni Pangilinan.
Nais ni Sotto na ibaba sa 13 anyos ang minimum age para sa mga youth offenders.