6 na katao na nakuhanan ng matataas na kalibre ng armas sa Rizal kinasuhan na ng NBI

NBI Photo

Sinampahan na ng kasong illegal possession of firearms and explosives ng National Bureau of Investigation (NBI) ang anim na indibidwal na iniuugnay sa matataas na lider ng rebeldeng New Peoples Army o NPA at naaresto kamakailan sa Rizal.

Iniharap sa media ang mga suspek kabilang ang negosyanteng Chinese na si Ke Be I alyas Lily Ong, Brandy Solinap, Victor Dela Cruz, Diosdado Bohol at dalawa pang Chinese na sina Bi-Lian Ke at Ke Quiao Li alyas Sam Jany.

Ang anim ay nadakip nang magsagawa ng raid ang NBI-Special Action Unit sa farm ni Lily Ong sa Bgy. Dalig, Teresa Rizal noong Martes sa bisa ng search warrant na inilabas ng korte.

Nakumpiska sa pag-iingat ng mga ito ang matataas na kalibre ng mga baril, bala at granada.

Nang hanapan ng papeles para sa mga armas, walang naipakita ang mga suspek.

Kinasuhan ang mga suspek ng paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunitions Act at RA 9156 o Illegal Posession, Manufacture, Dealing In, Acquisition or Disposition of Firearms, Ammunitions or Explosives.

Nilinaw naman ng NBI na sa ngayon wala pang direktang mag-uugnay sa mga suspek sa lumulutang na “Red October Plot” laban sa Duterte Administration.

Read more...