OFW patay matapos saksakin ang mga katrabaho sa Saudi Arabia

Nasawi ang isang overseas Filipino worker (OFW) matapos itong barilin ng security guard sa Farasan Island, Saudi Arabia.

Hindi pa pinapangalanan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang OFW. Ngunit ayon kay Consul General Edgar Badajos, lumabas sa imbestigasyon na pinagsasaksak ng Pinoy ang kanyang katrabaho matapos itong makasagutan.

Sinasabing matapos nitong saksakin at mapatay ang katrabaho ay inatake naman ng Pinoy ang kanyang manager at iba pang mga kasamahan sa trabaho na sinubukan siyang pigilan.

Nasawi ang manager ng Pinoy migrant worker, maging ang isa niyang katrabaho, habang sugatan naman ang iba pa niyang mga kasamahan.

Dahil sa insidente ay agad na rumespunde ang security personnel ng kumpanya at binaril ang umatakeng Pinoy.

Ayon kay Badajos, nasawi agad ang OFW dahil sa kanyang tinamong tama ng bala sa katawan.

Sa ngayon ay ipinaaalam na ng DFA sa pamilya ng OFW ang insidente. Kasabay nito ay nagpadala na ng mga tauhan ang konsulada ng Pilipinas sa Jizan upang makakuha ng karagdagang impormasyon tungkol sa insidente.

Read more...