184 ektaryang lupain sa Itogon, Benguet high-risk sa landslide ayon sa Mines and Geosciences

Kuha ni Erwin Aguilon

Idineklara ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang nasa 184 ektaryang lupain sa Itogon, Benguet bilang mapanganib sa banta ng landslide.

Ayon sa ahensya, ang pinakakritikal na bahagi dito ay ang sa Barangay Ucab, kung saan naganap ang malagim na landslide na ikinasawi ng mahigit 70 indibidwal.

Sinasabing malaki pa ang tsansa na muling magkaroon ng pagguho ng lupa, lalo na kung tatamaan ulit ito ng malalakas na buhos ng ulan.

Mayroon na rin tension cracks malapit sa Itogon-Antamok Road kung saan itinayo ang ‘staging area’ ng mga rescuers.

Partikular na nakita ng MGB ang mga banta ng landslide sa Barangay Poblacion; Sitio Goldfield; Barangay Virac sa Sitio Batuang; Sitio Balatoc; Sitio Bubon; Sitio City Limit; at Barangay Ampucao.

Ayon naman sa Department of Environment and Natural Resources – Cordillera Administrative Region (DENR-CAR), kailangan na itong aksyunan ng lokal na pamahalaan at dapat nang ilikas ang mga residente sa lugar.

Ngunit ayon naman kay presidential political adviser Francis Tolentino, wala pang naitatakdang relocation site ang pamahalaan.

Samantala, bilang paghahanda sa bagyong Paeng, bumuo na ng tent city ang pamahalaan sa Benguet Sports Complex sa La Trinidad, sakaling kailanganin ng preemptive evacuation.

Read more...