Trillanes, nagbantang pananagutin sina Calida at lahat ng nagtago ng kanyang amnesty application

 

Nagbanta si Senador Antonio Trillanes IV na pananagutin ang mga nasa likod ng pagtatago sa kanyang application form para sa amnestiya.

Ginawa ito ni Trillanes matapos nitong lantarang akusahan si Solicitor General Jose Calida ng pagtatago sa kanyang aplikasyon.

Ayon kay Trillanes, mismong si Defense Secretary Delfin Lorenzana ang nagsabing hiningi at kinuha sa kanya ni Calida ang nasabing dokumento.

Kaugnay nito, hinamon ni Trillanes ang Armed Forces of the Philippines at Department of National Defense na manindigan para sa katotohanan at aminin na nag-aplay siya para sa amnestiya.

Naniniwala ang senador na kinukunsinte ng mga taga-AFP ang hindi makatarungang panggigipit sa kanya dahil sa takot kay Pangulong Rodrigo Duterte at Calida.

Sa kabila nito, aminado si Trillanes na hindi niya mahahabol ang mga nagwala sa kanyang amnesty application hangga’t naka-upo sa puwesto si Duterte.

Matatandan na pangunahing dahilan kung bakit naglabas ng warrant of arrest at hold departure order ang Makati RTC branch 150 laban kay Trillanes ay dahil sa kabiguan nitong magprisinta ng kopya ng amnesty application.

 

Read more...