Hinarang ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang nominasyon ni Court Administrator Midas Maraquez para maging mahistrado ng Supreme Court.
Sa public interview ng Judicial and Bar Council (JBC) para sa pagpili ng papalit sa binakanteng pwesto ni dating Associate Justice at ngayo’y Ombudsman Samuel Martirez ay isinapubliko ang position paper ni Duterte-Carpio.
Sinabi ng alkalde na sinubukan ni Marquez na kunin ang kanyang suporta kapalit ng pagtulong niya na maibasura ang disbarment case na kinakaharap ni Duterte-Carpio makaraan niyang suntukin ang isang court sheriff noong 2011.
Sa pagtatanong ni JBC member Milagros Fernan-Cayosa ay mariing itinanggi ni Marquez na nanghimasok siya sa kaso ni Duterte-Carpio.
Ipinaliwanag ng opisyal na hindi niya kinausap ang court sheriff na iurong ang reklamo laban sa alkalde.
Sinabi ni Marquez na nakausap niya noon ang mga opisyal ng Sheriff’s Association of the Philippines at kanilang tinanong kung tama ba na bawiin ang reklamo laban kay Duterte-Carpio.
Ang tangi umano niyang isinagot ay sila ang bahala kung sakaling magdesisyon sila na iurong ang reklamo sa alkalde.
Nauna dito ay itinanggi rin ni Marquez sa isinagawang public interviews na dumaan sa Office of the Court Administrator ang World Bank loan na umaabot sa $21.9 Million.
Kung talagang sangkot umano siya sa maling paggamit sa pondo ay matagal n asana siyang wala sa Supreme Court.
Kasalukuyan na ring iniimbestigahan ng Ombudsman kung paanong ginastos ng judiciary ang nasabing loan
Kabilang sa mga katunggali ni Marquez sa posisyon ay labing-isang justice ng Court of Appeals at isang regional trial court judge.