Aminado si Sen. Ping Lacson na malabong makuha ni Pangulong Rodrigo Duterte o kahit na ng sinong pangulo ng bansa ang suporta ng buong pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Nilinaw ng senador na hindi garantiya para sa 100-percent support ang mga ibinibigay na tulong at benepisyo ng commander-in-chief sa militar.
Reaksyon ito ni Lacson makaraang sabihin ni Duterte na dismayado siya sa mga ulat na may ilang tauhan ng AFP ang nakikisimpatiya kay Sen. Antonio Trillanes sa kabila ng ginawa nitong pagtataksil sa liderato ng pamahalaan.
Sinabi rin ng mambabatas na naniniwala siyang mas marami pa rin sa mga tauhan at opisyal ng AFP ang tapat sa kasalukuyang liderato ng pamahalaan.
Nauna na ring ipinanukala ni Lacson ang pagkakaroon ng loyalty check sa hanay ng militar.
Magugunitang hinamon rin ng pangulo ang mga sundalo na kung ayaw na nila sa kanyang liderato ay magsabi lamang sila ang kaagad siyang bababa sa pwesto nilang pinuno ng bansa.