Nilinaw ng Malacañang na walang basehan ang akusasyon ni Sen. Antonio Trillanes IV na isang uri ng political persecution ang nangyayari sa kanya ngayon.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ginagamit lamang ni Trillanes ang isyu sa amnesty suspension para magkaroong ng mahabang media exposure at patunay dito ang halos ay oras-oras niyang pagbibida sa harap ng mga mamamahayag.
Ipinaliwanag rin ng opisyal na wala sanang problema si Trillanes ngayon kundi siya gumawa ng krimen tulad ng mga kasong rebellion at coup na hinaharap niya sa hukuman.
Sinabi rin ni Roque na imposible ang naging pahayag ng mambabatas na patay na ang demokrasya sa bansa dahil hanggang ngayon naman daw ay pinagbibigyan siya sa kanyang mga pahayag at malaya rin siyang makakauwi sa kanilang bahay kung gugustuhin.
Mali rin ayon kay Roque na akusahan ni Trillanes ang hudikatura na nagpapagamit sa aniya’y diktador na pamahalaan ni Duterte.
Paliwanag ng tagapagsalita ng pangulo, mayroong tamang pag-iisip ang mga hukom at hindi sila basta susunod sa mg autos kahit na mula sa pangulo ng bansa kung labag ito sa batas.
Muli ring inulit ni Roque ang mahigpit na pahayag ng pangulo na hindi huhulihin si Trillanes maliban na lamang kung may ilalabas na warrant of arrest ang hukuman.