VP Leni Robredo pinaburan ng PET sa isyu ng 25% ballot shading threshold

Hindi pinaboran ng Presidential electoral Tribunal o PET ang hiling ng kampo ni dating Senador Bong Bong Marcos na gawing 50 percent ang shading threshold sa nagpapatuloy na recount sa kaniyang electoral protests laban kay Vice President Leni Robredo.

Iyan ang nakasaad sa resolusyon ng Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal sa isinumiteng komento ni Marcos na humihiling na ibasura ang motion for reconsideration ni Robredo na ibaba sa 25 percent ang threshold na una nang idineklara ng COMELEC sa kasagsagan ng pagbibilang ng mga boto noong nakalipas na 2016 Automated election.

Sa halip ay pinaboran ng PET ang apela ni Robredo na gamitin ang 25 percent shading threshold.

Hindi rin pinagbigyan ng PET ang pagtutol ni Marcos na gamitin ang decrypted ballot images sa muling pagbibilang ng mga balota.

Una na kasing ipinunto ni Marcos na nakompromiso ang mga imahe sa ilang mga balota.

Sabi ng PET, hindi nakapagsumite ang dating mambabatas ng anumang patunay na nakompromiso nga ang mga decrypted ballot images o ‘di kaya ay kaduda-duda at kuwestiyunable.

Giit ng PET ang alegasyon ay hindi maaring tanggapin bilang katibayan.

Nakasaad pa sa desisyon na binigyan pa ang kampo ni Marcos ng pagkakataon para obserbahan ang proseso ng COMELEC sa decryption, at sa katunayan ay inobliga pa nga sila na i-authenticate ang mga imahe na sinasabi nilang dubious o kaduda-duda.

Una na ring ipinunto ni Marcos na ang pagbibigay ng pabor sa apela ni Robredo ay maihahalintulad sa pagbibigay ng special treatment sa pangalawang pangulo.

Pero ayon naman sa abugado ni Robredo na si Atty. Romulo Macalintal, milyun-milyong mga botante ang made-disenfranchise sa nakalipas na 2016 polls kabilang na ang mga bomoto kay Marcos kapag ipinilit ang 50-percent shading Threshold.

Read more...