Tatlong buwan nang nag-ooperate ang shabu laboratory na nadiskubre ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang high-end condominium sa Pasay City.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni PDEA Dir Gen. Aaron Aquino na maaring may nai-distribute nang shabu mula sa nasabign shabu lab bago ang pagsalakay nila dito na nagresulta sa pagkakasabat ng P544 milyon na halaga ng ilegal na droga.
Sinabi ni Aquino na sa kasagsagan ng surveillance nila, may mga nakikita na ang kanilang mga tauhan na naglalabas-masok sa gusali na may bitbit na maleta.
Ani Aquino, buwan ng Hulyo nang magsimulang mag-renta ang dayuhan na pawang Hong Kong nationals sa sinalakay na unit.
“Nag-umpisa silang magrenta sa condominium na yon noong July, that was three months ago, and malamang there’s a big possibility na nakapagpalabas na sila doon. Gusto namin kasing matunton muna ang exact location ng drug lab na ito kaya hindi namin pwedeng basta-basta hulihin ‘yung mga identified Hong Kong nationals dito. Somehow may nakikita kami na may mga dala silang maleta hindi namin pwedeng bulabugin iyon otherwise kapag binulabog namin hindi namin matutunton kung saan galing exactly ang mga droga na iyon, so hinayaan namin muna. At nung matunton na namin ang exact unit ng condominium doon namin binira. I guess medyo may nakalabas ang maganda lang dito, 3 buwan pa lang ang kanilang operasyon ay nahuli kaagad natin,” ani Aquino.
Dagdag pa ni Aquino, ang mga shabu na ginagawa sa naturang laboratory ay sa Metro Manila ipinakakalat.