Nagsara ang palitan kahapon sa P54.31 kada dolyar na pinakamababang halaga ng national currency simula noong November 22, 2005.
Umabot pa sa P54.50 ang halaga ng piso sa trading bago magsara ang palitan.
Ayon sa isang bank treasurer na tumangging pangalanan, hindi naging malakas ang monetary action ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para tugunan ang problema sa inflation rate.
Anya, posibleng humina pa lalo ang piso kontra foreign currency.
Matatandaang pumalo sa 6.4 percent ang inflation rate sa buwan ng Agosto na pinakamataas sa loob ng siyam na taon.
Magpupulong ang Monetary Board bukas, araw ng Huwebes upang pagdesisyunan kung magtataas ng interest rates dahil sa mataas na inflation rate sa nakalipas na buwan.
Inaasahang mas sisipa pa ang presyo ng bilihin dahil sa pinsala sa agrikultura ng Bagyong Ompong.
Ayon sa treasurer, kung hindi tataasan ng Bangko Sentral ang interest rates ay posibleng umabot sa P54.50 ang palitan.