Estrella-Pantaleon bridge sa January 2019 na lang isasara

Ipinagpaliban sa susunod na taon ang pagsasara ng Estrella-Pantaleon Bridge na nagdudugtong sa Makati City at Mandaluyong City.

Sa liham na ipinadala ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa January 2019 na lang ipatutupad ang closure.

“Public clamor” ang idinahilan ng DPWH sa pagsuspinde sa closure at pagsaaayos ng tulay.

Ikinunsidera din umano ang pangamba ng business sector na magdudulot ito ng economic loss lalo pa at paparating na ang holiday season.

Hindi tinukoy sa liham kung anong negosyo ang maaapketuhan, gayunman, ang naturang tulay ay nakadugtong sa Rockwell na maliban sa Powerplant Mall ay mayroon ding residential condominiums.

Nakasaad sa liham na sa unang linggo na lang ng Enero ipatutupad ang closure at uumpisahan ang proyekto na kapapalooban ng pagpapalapad sa kalsada na mula sa dalawang linya ay gagawing apat na linya.

Humingi rin ng paumanhin ang DPWH sa MMDA sa umano ay agarang pagbabago sa plano.

Noong Linggo isinara ang tulay na nakatakda na dapat i-demolish para palitan ng apat na linyang kalsada.

Pero gabi ng Lunes nang ito ay biglang buksan muli sa mga motorista nang walang koordinasyon sa MMDA.

Read more...