Naghain ang Bureau of Customs (BOC) ng limang kaso laban sa ilang mga importer at customs broker dahil sa pagpupuslit ng mga kargamento sa bansa at paglabag sa mga umiiral na batas sa pag-aangkat.
Kasama sa inireklamo ng BOC sa Department of Justice ng large-scale agricultural smuggling ang mga opisyal ng Malaya Multi-Purpose Cooperative na sina Oscar Catacutan, Mario Briones, Eddie Lalu, Randy Turla at Alfredo Guevarra, pati na ang customs broker na si Mary Faith Duran Miro dahil sa misdeclaration ng P2.5 million na halaga ng sibuyas, mansanas at peras.
Nabatid na itinago ng Malaya ang mga sibuyas sa mga kahon ng mansanas at peras sa apat na container.
Hinahabol naman ng BOC si Stanley Tan, may-ari ng P9.4 million na halaga ng shipment ng mga pekeng brand ng mga sigarilyo at iba’t ibang produktong pampaganda.
Si Tan ay kinasuhan ng paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at sa Republic Act 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines.
Ang ikatlong kaso naman ay inihain laban kay Samuel Alvarado, presidente at major stockholder ng Pherica International Corporation at ang customs broker na si Nazario Maglanque dahil sa pag-aangkat ng mga laruan na nagkakahalaga ng kalahating milyong piso nang walang import permit mula sa Food and Drug Administration (FDA) kaya siya ay inireklamo ng paglanbag sa Food and Drug Administration Act of 2009.
Ang ikaapat na kaso naman ng smuggling ay inihain laban kay Tayuan Malingco, may-ari ng IT Malingco at ang customs broker na si Erlinda Dumalaog dahil sa pag-aangkat ng foodstuff, air freshener, shampoo at iba pang produkto na nagkakahalaga ng P6.5 million nang wala ring permit mula sa FDA.
Panglima naman sa mga inihabla si Marnie Seguiran, may-ari ng Power Buster Marketing dahil sa pag-aangkat ng P1.6 million na halaga ng mga fireworks at firecracker na idineklara bilang mga footwear.