Hindi pa man direktang nakakaapekto sa bansa ang Bagyong Paeng ay nagpatupad na ng forced evacuation ang lokal na pamahalaan ng Itogon, Benguet.
Ito ay dahil inaasahang epekto ng bagyo sa Northern Luzon na lubhang nasalanta ng Bagyong Ompong at nagdulot ng landslide sa Itogon.
Ayon kay Itogon Mayor Victorio Palangdan, Sabado pa lang ay nangatok na sa mga residente ang mga pulis at barangay officials para ipaalam ang tungkol sa Bagyong Paeng.
Unang nagpatupad ng forced evacuation sa Barangay Ucab at Barangay Luneta na una nang idineklara ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) bilang danger zones.
Sabado pa lamang ng umaga ay ipinag-utos na ni Political Adviser Secretary Francis Tolentino ang preemptive at forced evacuation sa lahat ng itinuturing na danger zones.
Samantala, umapela si Mayor Palangdan sa publiko na sumunod sa evacuation orders upang maiwasan ang trahedya tulad ng nangyari sa pananalasa ng Bagyong Ompong.
Anya, natuto na sila ng kanilang leksyon mula sa bagyo at ang evacuation orders ay para sa ikabubuti ng lahat kaya’t dapat sumunod ang mga residente.