Naghain ng panukalang batas si Senadore Leila de Lima upang ma-regulate ang mga nakokolektang pondo mula sa donasyon.
Sa isang pahayag, sinabi ng senadora na ang Senate Bill No. 2014 o ang Public Solicitation Act ay magbabasura sa Presidential Decree No. 1564 o ang Solicitation Permit Law.
Aniya, sa pamamagitan nito ay mapapalakas ang sistema ng pamamahagi ng permit o otorisasyon para manghingi ng donasyon mula sa publiko.
Sa ilalim ng panukala, ang mga indibidwal o organisasyong manghihingi ng donasyon ay magiging accountable sa batas kung wala silang maipapakitang solicitation permit mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Provincial Social Welfare and Development Office, City Social Welfare and Development Office, o sa Municipal Social Welfare Development Office.
Nakasaad din sa panukala na mapaparusahan ang mga manghihingi ng donasyon sa labas ng pinayagang area of coverage, ang mga may hawak ng peke o tampered na permit, at ang mga gagamit ng nakolektang pondo sa bukod na proyekto sa nakasaad sa permit.
Ang mga mapapatunayang lalabag sa panukalang batas ay mahaharap sa hindi bababa sa isang hanggang tatlong taong pagkakakulong o pagmumultahin ng P100,000 hanggang P500,000, o pareho, depende sa magiging desisyon ng korte.
Sakali namang dayuhan ang lalabag sa panukala, bukod sa multa at pagkakakulong ay ipadedeport din ito at pagbabawalan nang muling makabalik sa bansa.
Paliwanag ni de Lima, layon lamang ng kanyang panukala na maprotektahan ang publiko mula sa mga manloloko.