Nagsagawa ang pamahalaang lokal ng Benguet Linggo ng umaga ng ‘pamakan’ o isang ritwal ng mga katutubo kung saan hinihingi ang gabay at tulong ng mga ninuno.
Ito ay kasunod ng pag-utos sa forced evacuation sa mga lugar na idineklarang danger zones ng Mines and Geosciences Bureau (MGB).
Dalawang baboy ang kinatay at inialay sa mga diyos at ninuno.
Hindi pa man nakakabangon ang bayan sa pananalasa ng Bagyong Ompong ay inaasahang makakaapekto na naman ang Bagyong Paeng sa Northern Luzon.
Ayon kay Mayor Victorio Palangdan, ito na ang ikalawang beses na isinagawa ang ritwal matapos ang landslide sa Barangay Ucab dahil sa nagdaang bagyo.
Giit ng alkalde sa ritwal na isinagawa kahapon, ang atay at apdo ng baboy ay nagpakita ng senyales na napapakinggan ng kanilang mga ninuno ang kanilang panalangin.
Ipinanalangin ni Barangay Ucab Chairman Kennedy Waclin na wala nang kalamidad pang maganap sa Itogon at mahanap ang lahat ng tao at katawan na nawawala hanggang sa ngayon.
Matapos ang ritwal ay pinagsaluhan ng publiko ang pagkain na binasbasan din sa pamamagitan ng panalangin.
Paniwala ng mga katutubo, magbibigay ng pisikal na kalakasan sa mga tao ang pagkain.