Inilunsad ng pamahalaan ng India ang pinakamalaking health insurance scheme na makatutulong sa nasa 500 milyong mahihirap na Indian nationals.
Sa ilalim ng programang tinaguriang Modicare, bibigyan ng 500,000 rupees o USD 6,900 ang bawat isang maralitang pamilya na kanilang magagamit panggamot sa anumang matinding karamdaman.
Inaasahang kakailanganin ng nasa USD 1.6 bilyon kada taon upang mapondohan ang programa at posible pa itong lumaki depende sa demand.
Mismong si Indian Prime Minister Narendra Modi ang namahagi ng mga medical cards sa Ranchi, Jharkhand.
Ayon kay Modi, sa pamamagitan ng Modicard ay mabibigyan ang mahihirap na Indian ng magandang kalidad at accessible na healthcare.
Aniya pa, mahigit 100 milyong pamilya ang mabebenepisyuhan ng naturang programa.
Batay sa datos ng pamahalaan, aabot sa 60% ng gastos ng isang pamilya ay inilalaan sa gamot at healthcare.
Bagaman pinuri ng mga eksperto ang programa ni Modi, pinuna naman nila ang kawalan nito ng day-to-day primary healthcare services na pangunahing kailangan para sa public health.