Pumasok na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Trami na pinangalanang Paeng.
Batay sa 5PM weather advisory ng PAGASA, ang naturang sama ng panahon ay nasa typhoon category na.
Taglay na nito ang lakas ng hanging aabot sa 125 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot naman sa 155 kilometro kada oras.
Kumikilos ito sa bilis na 20 kilometro kada oras sa direksyong Kanluran.
Huli itong namataan sa 1,290 kilometro silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.
Ayon sa PAGASA, hindi palalakasin ng naturang sama ng panahon southwest monsoon o hanging habagat, ngunit maapektuhan nito ang bahagi ng extreme Northern Luzon, partikular ang Batanes kabilang ang Babuyan Group of Islands at hilagang bahagi ng Cagayan at Ilocos Norte ngayon Huwebes o Biyernes.
Posible umanong itaas ang tropical cyclone signal number 1 o 2 sa extreme Northern Luzon sa mga nabanggit na araw kung hindi magbabago ang tinatahak nitong direksyon.
Wala ring direktang epekto sa ngayon ang bagyo sa anumang bahagi ng bansa.
Hindi naman inaasahang tatama ang bagyong Paeng sa kalupaan ng bansa, kundi sa katimugang bahagi ng Taiwan.