Umaasa si Senador Sherwin Gatchalian na hindi matuloy ang nais na pagbabawas sa pondo ng Tulong Dunong program ng Commssion on Higher Education (CHED).
Sa isang pahayag, sinabi ni Gatchalian na ipaglalaban nito ang pondo para sa programa para mabigay ang kakailanganing pondo para sa taong 2019.
Dapat muna aniyang makita kung ilan ang nag-avail ng programa.
Giit pa ng senador, kawawa ang mga estudyante kapag dumating ang oras na kakapusin na sa pondo ang ahensya.
Noong nakaraang linggo, sinabi ni CHED Commissioner Prospero de Vera III na mahigit 350,000 na estudyante ang posibleng mawalan ng scholarship sa susunod na taon.
Mula kasi sa P4.19 bilyon, magiging P1.19 bilyon na lang ang ilalaang pondo sa ahensya sa susunod na taon.
Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), rationalized ang pondo ng CHED para bigyang-daan ang implementasyon ng Free Tuition Law partikular sa Tertiary Education Subsidy (TES).
Paliwanag naman ni Gatchalian, dapat maging malinaw ang distinction o pagkakaiba sa Tulong Dunong program at TES.
Aniya pa, suportado nito ang panukala ni De Vera na ihiwalay ang Tulong Dunong at iba pang scholarship program sa babawasang pondo sa susunod na taon.