Nagpahayag ng pagsuporta si Senador Sonny Angara sa panukalang rice tariffication upang masolusyunan ang kakulangan sa supply ng bigas sa bansa.
Sa isang panayam, sinabi ni Angara na kung marami ang pwedeng mag-angkat ng bigas sa mga panahong mayroong shortage o kakulangan nito ay magiging mura ang presyo ng bigas sa merkado.
Ibig sabihin aniya nito ay hindi lamang ang National Food Authority (NFA) ang maaaring kumuha ng bigas mula sa ibang bansa.
Dagdag pa ng senador na sa pamamagitan ng isang rice tariffication law ay mababawasan, kung hindi man ay matatangal na, ang mga rice cartel at hoarders.
Sa ilalim ng panukalang batas na itinutulak ni Senadora Cynthia Villar at papayagan ang mga pribadong traders na mag-angkat ng bigas.
Samantala, nauna naman nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatutupad niya ang rice tariffication upang matigil na ang kurapsyon sa industriya ng bigas sa bansa.