Ipinatawag ng Department of Transportation and Communication (DOTC) para sa isang pagpupulong ngayong araw ang mga opisyal ng Office of Transportation Security (OTS), Manila International Airport Authority (MIAA), at Aviation Security Group.
Ayon kay DOTC Sec. Jun Abaya, mismong si Pangulong Benigno Aquino III na ang nag-utos na magsagawa ng imbestigasyon sa usapin ng ‘laglag bala’.
Sinabi ni Abaya na pinabubusisi na rin niya ang datos kung matagal nang mayroong mga kaso ng laglag bala sa paliparan.
Tiniyak din ni Abaya na may mananagot sa nasabing insidente kung mapapatunayang sinasadya ito at may sangkot na mga tauhan ng Airport.
“Pinatignan ko din ang datos, matagal na ba itong nangyayari o ngayon lang, kung may guilty man sa iregularidad, hindi kami mag-hesitate na parusahan sila,” ayon kay Abaya.
Ayon kay Abaya, ginagawa ng pamahalaan ang lahat para matukoy ang mga dapat panagutin sa isyu. Kasabay nito nagpatupad din aniya sila ng pagbabago sa sistema sa Airport, partikular sa pag-handle sa bagahe ng mga pasahero.
Aniya, tanging ang mga pasahero lamang ang maaring humawak ng kanilang mga bagahe at hindi na ito hahawakan ng mga x-ray examiners.
Nanawagan din si Abaya sa mga pasahero na maging maingat sa kanilang mga kagamitan sa loob o labas man ng paliparan.
Ang mga naniniwala naman sa anting-anting, sinabi ni Abaya na mas mabisa pa rin ang dasal kaysa gumamit ng bala bilang anting-anting.