Tinawag na sinungaling ng grupong People Surge, isang samahan ng mga biktima ng super bagyong Yolanda, si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Dinky Soliman.
Ito ay dahil dalawang taon matapos bayuhin ng super bagyong Yolanda ang Visayas, hindi pa rin natutupad ang kaniyang mga pinangakong permanenteng tirahan sa mga biktima na hanggang ngayon ay naninirahan pa rin sa mga masisikip at marupok na bunkhouses.
Sinabi ni Marissa Cabaljao, Secretary General ng People Surge, na isa na namang pangako ang hindi tinupad ni Soliman dahil nasa 400 pamilya pa rin ang naninirahan sa bunkhouses sa kabila ng pagtitiyak ng kalihim na maililipat na sila sa mga permanenteng tirahan sa pagtatapos ng buwan ng Oktubre.
Ani Calbajo, simula January 2014 pa lamang ay napangakuan na ang mga residente na matatapos ang permanent shelter para sa kanila sa loob lamang ng anim na buwan, ngunit dalawang taon na ang dumaan at pangakong napako lamang ang kanilang napala.
Nais lang aniya ni Soliman na pagtakpan ang tunay na kalagayan ng mga biktima ng Yolanda sa pamamagitan ng kaniyang mga deklarasyon, gayong napakabagal naman ng mga ipinapangako nilang relokasyon.
Base sa datos mula sa National Housing Authority, sinabi ni Cabaljao na 534 pa lamang sa 13,801 na target na permanent housing ang natatapos noong Setyembre.
Dahil dito binatikos ni Cabaljao ang mabagal na rehabilitasyon ng gobyerno kasabay ng pagaakusa kay Soliman na pinapaasa lamang ang mga biktima ng Yolanda.