Tiniyak ng Palasyo ng Malakanyang na handa na ang pamahalaan na pangasiwaan ang mabigat na trapikong nakaamba sa Metro Manila ngayong papalapit na holiday season.
Ayon kay Presidential Spokesperson Edwin Lacierda, alam na ng Philippine National Police – Highway Patrol Group na naka-deploy sa EDSA ang mga magiging problema sa pagdami ng mga commercial activities tuwing duamrating ang panahong ito.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang PNP sa mga mall operators upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamimili tuwing Christmas rush.
Ani Lacierda, lahat ng ahensya ng gobyernong may kinalaman sa preparasyon bukod sa PNP, ay naghahanda na tulad na lamang ng Department of Trade and Industry.
Sasamantalahin na rin ng Department of Tourism ang oportunidad na ipakita sa mundo kung paano ipinagdiriwang ang Pasko sa Pilipinas.
Ang Pilipinas kasi ang itinuturing na may pinakamahabang panahon ng pagdiriwang ng Pasko sa buong mundo, kaya oportunidad na ito para ayain ang mga dayuhan na subukang magdiwang ng Pasko sa bansa.