Pinaulanan ng mga armadong kalalakihan ang isang taunang military parade sa Ahvaz, Iran na ikinasawi ng hindi bababa sa 25 katao.
Sugatan ang nasa 60 katao habang halos kalahati ng mga nasawi ay miyembro ng Revolutionary Guards.
Ito na ang itinuturing na isa sa pinakamadugong pag-atake sa pwersa ng mga sundalo.
Ayon kay Iran Foreign Minister Mohammad Javad Zarif, may kinalaman ang mga regional countries at ang kanilang anya’y ‘U.S masters’ sa malagim na pangyayari.
Tinawag nito ang mga armadong lalaki na mga terorista na anya’y narecruit, sinanay at binayaran.
Ang military parade sana ng Revolutionary Guardsmen ay bilang paggunita sa pagsisimula ng giyera ng Iraq at Iran noong 1980s.
Sinasabing nagpanggap na mga sundalo ang gunmen na nakasakay ng motorsiklo.
Sa panayam ng state-run IRNA News Agency kay Khuzestan Gov. Gholamreza Shariati, sinabi nitong dalawang gunmen ang napatay habang dalawa pa ang naaresto.
Patuloy pang inaalam kung sino ang nasa likod ng pag-atake.