Lahat ng Quarrying activities suspendido muna ayon sa DENR

Inquirer photo

Pansamantala munang suspendido ang lahat ng mga quarrying activities sa bansa kasunod ng naganap na landslide sa Naga City sa lalawigan ng Cebu.

Sinabi ni Environment Sec. Roy Cimatu na tigil muna ang lahat ng mga gawain kabilang na ang pagkuha ng mga construction materials sa mga kabundukan at mga ilog sa loob ng labinglimang araw.

Kailangan umanong tiyakin na walang magaganap na kahalintulad na insidente sa lahat ng mga quarry site sa bansa ayon sa kalihim.

Noong Huwebes ay umaabot sa 60 mga bahay ang natabunan sa Barangay Tinaan at Naalad sa naga City, Cebu.

Ito ay makaraang bumigay ang bahagi ng bundok kung saan nagtatrabo ang ilang tauhan ng Apo Land and Quarry Corporation na pag-aari ng Cemex Company.

Karamihan umano sa mga namatay ay kaanak rin ng mga empleyado ng nasabing kumpanya.

Sa pinakahuling tala ay umabot na sa 29 na mga bangkay ang nakuha ng mga otoridad samantalang mahigit sa 60 iba pa ang patuloy na nawawala.

Sinabi naman ni Apo Land Representative Chito Maniago na mayroong silang hawak na mining rights para sa nasabing lugar pero hindi pa nagsisimula ang kanilang operasyon.

Read more...