Umabot na sa 32 ang opisyal na bilang ng mga kumpirmadong patay sa naganap na landslide sa Itogon, Benguet.
Sa ulat na ipinadala sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), posibleng marami pa sa mga naunang naireport na nawawala ang natabunan rin sa guho.
Kahapon ay nagbabala ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) na posibleng maulit ang landslide kapag nagkaroon ng pag-ulan.
Ito ang dahilan kaya nagpasya ang lokal na pamahalaan na bawasan ang mga miyembro ng rescue and retrieval team na nagta-trabaho sa ibaba ng guho.
Dahil 30 katao lamang per shift ang maghuhukay para hanapin ang mga natabunan dahil sa landslide ay mas magiging mabagal ang paghahanap sa mga ito.
Aminado ang mga rescuer na malaking bagay ang paggamit ng mga heavy equipment pero kailangan rin nilang mag-ingat para hindi madaanan nito ang mga natabunan ng guho.
Sa tala naman ng Cordillera Autonomous Region, mahigit sa 60 ang namatay sa rehiyon dulot ng pananalasa ng bagyong Ompong.
Pinaka-marami sa kanilang naitala ay mula sa bayan ng Itogon.