Pangulong Duterte nagpaabot ng tulong sa mga biktima ng landslide sa Naga, Cebu

Bukod sa pangakong pagtugon sa problema sa pagmimina sa bansa ay nagpaabot ng tulong si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga biktima ng landslide sa Naga City, Cebu.

Ayon kay Special Assistant to the President Christopher ‘Bong’ Go, nagbigay ang pangulo ng P20,000 sa bawat pamilya na namatayan ng kaanak at P10,000 naman sa mga nasaktan bunsod ng landslide.

Bukod dito, sinabi ni Go na inatasan na ng pangulo sina National Housing Authority (NHA) General Manager Jun Escalada at Housing and Urban Development Development Coordinating Council (HUDCC) Chair Ed del Rosario na bumisita agad sa Naga City at makipag-ugnayan sa local officials.

Ito anya ay para sa pagbuo ng pabahay para sa mga biktima.

Sinabi pa ni Go na pinatitiyak din ni Duterte sa concerned agencies na matutugunan ang pangangailangang medikal ng mga biktima maging ang funeral at burial assistance sa mga namatayan.

Samantala, nakatakda ring magbigay ng P25,000 ang Department of Social Welfare and Development sa mga pamilya ng mga nasawi.

Hindi bababa sa 29 ang nasawi at higit 1,000 pamlya ang naapektuhan ng landslide na naganap noong Huwebes ng umaga.

Read more...