Ayaw na ng consultative committe na makialam si Communication Assistant Sec. Mocha Uson sa information drive para sa Pederalismo.
Sinabi ito ni dating senador at ngayo’y ConCom member Aquilino “Nene” Pimentel Jr., kasunod ng kontrobersiyal na Pepe-Dede-Ralismo video ni Uson kasama ang blogger na si Drew Olivar.
Ayon kay Pimentel, tumutok na lang si Uson sa entertainment at pagsasayaw sa halip na tumulong sa pagpapakalat ng kaalaman sa Pederalismo.
Hindi na aniya dapat sumama ang opisyal sa info campaign dahil mukhang hindi naman nito naiintidihan ang Pederalismo at mga isyu patungkol dito.
Naniniwala din si Pimentel na nagulo lamang ang isipan ng taongbayan dahil mga naging pahayag ni Uson.
“Si Assistant Secretary Mocha dapat siguro nandun siya sa entertainment lang. Wag siyang sasali sa isyu na hindi nya naiintindihan. Doon nalang siya sa sayaw-sayaw,” ani Pimentel.
Sagot naman ni Uson kay Pimentel, bagamat iginagalang niya ang opinyon ng dating senador, pinayuhan niya ito na panoorin muna ang kontrobesiyal niyang video dahil hindi naman siya sumayaw dito.
Proud din aniya siya sa pagiging entertainer pero hindi daw sana minamaliit ni Pimentel ang mga nagsasayaw.