Nakumpleto na ang pag-aspalto sa main runway ng Mactan Cebu International Airport (MCIA).
Ayon sa Department of Transportation (DOTr) kasama sa ginawang pagkumpuni sa paliparan ay ang pag-aspalto sa runway, paglinaw sa lahat ng runway markings, pag-angat sa 109 na runway centerline lights at 33 rapid exit centerline lights.
Ayon kay MCIA Authority General Manager Steve Dicdican, ang runway resurfacing project ay nagkakahalaga ng P255 million at naisagawa mula September 1 hanggang 21, 2018.
Habang tinatapos ang pag-aspalto at iba pang pagsasaayos ay nagpatupad ng closure sa runway araw-araw mula ala 1:30 ng madaling araw hanggang alas 6:30 ng umaga.
Tiniyak naman ng DOTr na nagkaroon ng maayos na koordinasyon sa mga airline companies noong panahon na isinasaayos ang runway para matiyak na hindi gaanong makakaapekto sa mga flight.