Malaki ang pag-asa ng lokal na pamahalaan ng Itogon, Benguet na may makukuha pang buhay sa guho ng lupa sa Barangay Ucab.
Ayon kay Itogon Mayor Victorio Palangdan, nanalig sila na magkaroon ng milagro upang marami pa ang mailigtas.
Sinabi ng alkalde na ngayong nagsimula ng bumaba ang mga heavy equipment sa ground zero, hahanapin ng mga ito ang isang chapel na ginawang evacuation center ng mga nagtatrabaho doon.
Ang nasabi aniyang chapel ay isang concrete structure at may mga barung-barong na nakapaligid na kasamang natabunan ng lupa.
Kahapon ay gumawa na ng daan ang isang backhoe para magagamit ng iba pang mga heavy equipment patungo sa ground zero.
Mayroong 600 meters na taas ang command center kung saan nagsimulang gumawa ng daan ang backhoe mula sa private mining company.
Sa ngayon, umakyat na sa 27 ang bilang ng mga nakuhang bangkay na natabunan ng lupa sa landslide sa isang abandonadong minahan.
Sa apat na nakuha kahapon, isa pa lamang ang nakikilala habang hindi malaman ang kasarian ng isa at ang dalawa pa ay hindi rin mabatid ang pagkakakilanlan.
Dahil dito, bumaba na sa 43 ang patuloy na pinaghahanap.