Inaabisuhan ang mga motorista na maghanap na ng mga alternatibong daan dahil sa inaasahang mabigat na daloy ng trapiko ngayong araw ng Biyernes, September 21.
Ito ay dahil sa mga kilos protestang isasagawa ngayong araw bilang paggunita sa Martial Law Declaration na ipinatupad noong 1972.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), partikular na magiging mabigat ang traffic sa bisinidad ng Commission on Human Rights (CHR), sa ilalim ng Tandang Sora flyover, Central Avenue, Philcoa, Elliptical Road corner Visayas Avenue, Elliptical corner Quezon Avenue, Quezon Avenue corner Agham Road, Quezon Avenue corner EDSA, Quezon Avenue corner Delta Avenue, Fisher Mall, Quezon Avenue corner Roosevelt Avenue, Quezon avenue corner Banawe Street, at Welcome Rotonda.
Ang mga nabanggit na lugar ay ang mga converging points o meeting point ng mga raliyesta na sasali sa kilos protesta sa Luneta, Mendiola, at iba pang bahagi ng Kalakhang Maynila.
Ayon sa QCPD, mula alas-11 ng umaga ay magiging mabigat na ang daloy ng trapiko sa mga nasabing lugar.
Payo ng mga otoridad sa mga motorista, umiwas sa mga nabanggit na lugar at humanap ng mga alternatibong ruta.
Paalala naman ni QCPD Director, Police Chief Superintendent Joselito Esquivel Jr. sa publiko na manatiling mapagmatiyag at ireport agad sa mga otoridad ang anumang mapapansing kahina-hinalang tao o bagay.
Humiling din ang QCPD ng pasensya sa mga motorista na maabala ng matinding traffic dahil sa mga aktibidad na may kaugnayan sa commemoration ng Martial Law.