Daan-daang katao nagsagawa ng kilos protesta sa Plaza Miranda

Nagsama-sama ang ilang mga grupo at personalidad upang magsagawa ng kilos protesta kahapon sa Plaza Miranda sa Quiapo, Maynila.

Ipinagsigawan ng daan-daang kataong dumalo na hindi na dapat pang maulit muli ang pagpapatupad ng batas militar sa bansa.

Ayon sa mga dumalo, nakbabahala ang mga pagkakapareho ng nangyayari ngayon sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pangyayari noong panahon ng Batas Militar sa ilalim ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Dumalo sa naturang aktibidad sina dating Commission on Human Rights (CHR) Chairman Etta Rosales at Senador Risa Hontiveros.

Ayon kay Rosales, na isang biktima ng pang-aabuso noong panahon ng Martial Law, katulad ni Marcos ay mayroon ding hangganan si Pangulong Duterte.

Aniya, unti-unti nang namumulat ang mga tao sa mga balikong ginagawa ng punong ehekutibo.

Pinabulaanan namang muli ni Hontiveros ang sinasabi ng pangulo na mayroong destabilization plot na binubuo ang Communist Party of the Philippines (CPP), Liberal Party, at ang grupong Magdalo.

Katunayan aniya, si Pangulong Duterte umano ang destablizer ng Pilipinas dahil sa ginagawa nitong pagwawatak sa mga Pilipino. Maging aniya ang patuloy na pagtaas ng mga presyo ng pangunahing bilihin ay nakaka-destabilize sa ekonomiya ng bansa.

Bago naman matapos ang programa ay nagkaroon ng ceremonial passing of the torch ang mga dumalo, kung saan ipinasa nila sa mga kabataan ang responsibilidad upang panatilihin at ipaglaban ang kalayaan ng bansa.

Read more...