Nilinaw ni Cagayan Gov. Manuel Mamba na hindi otorisado ang pagpunta sa Metro Manila ng ilang alkalde sa kanilang lalawigan habang nananalasa ang bagyong Ompong.
Sinabi ni Mamba na hindi siya nag-isyu ng anumang travel order sa mga ito.
Ikinatwiran pa ng opisyal na walang nagpaalam sa kanya na luluwas sila sa Metro Manila kaya paano nga naman siya magbibigay ng travel authority sa kanyang mga alkalde.
Pero kahit na nagpaalam umano ang mga ito ay hindi rin niya papayagan dahil sa banta ng malakas na bagyo sa lalawigan ng Cagayan.
Magunitang sinabi ng Department of Interior and Local Government na posibleng masuspinde o kaya ay masibak ang mga mayor na wala sa kanilang mga bayan o lungsod habang dumadaan ang bagyo sa bansa.
Nauna nang lumabas ang ulat na sampung mga municipal mayors mula sa Cagayan at Cordillera Autonomous Region ang nagpunta sa Malacañang isang araw bago ang paglandfall ni Ompong kaya hindi kaagad sila nakabalik sa kanilang mga lugar sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo.
Ang kanilang hakbang ay base na rin sa paanyaya ng Malacañang.
Sinabi ni Mamba na magsasagawa siya ng sariling imbestigasyon sa hindi otorisadong byahe ng ilang mga alkalde mula sa Cagayan.