Dala ang kanilang mga placard at ang effigy ng ulo ni Pangulong Rodrigo Duterte, nag-rally ang mga miyembro ng grupong Gabriela sa ilalim ng init ng araw sa Mendiola.
Simbolikong isinakdal ng Gabriela ang pangulo para panagutin sa anila’y mga kasalanan nito sa mga kababaihan at sa taumbayan.
Ayon sa grupo, puro pahirap ang administrasyon sa mga dati nang mahihirap na kababayan dahil sa implementasyon ng TRAIN law.
Umaalma ang grupo sa tindi ng inflation o paglobo ng presyo ng bilihin at serbisyo dahil anila sa pagpapabaya ng administrasyon na makapagsamantala ang mga abusadong negosyante.
Nanawagan ang grupo na ibaba ang presyo ng bigas at iba pang bilihin at serbisyo.
Binatikos din ng mga ito ang serye ng pagpatay sa ilalim ng nagpapatuloy na war on drugs ng pamahalaan.
Tinapos ng grupo ang programa sa pagbaba ng hatol na guilty kay Duterte sa paniwalang sobra-sobra na ang nagawa nitong kasalanan sa taumbayan.