Palangdan, itinangging hinihikayat ang operasyon ng illegal small-scale miners

Itinanggi ni Itogon, Benguet Mayor Victorio Palangdan na hinahayaan niya ang operasyon ng mga ilegal na small-scale miner sa kanilang lugar.

Mayroon kasing negosyo ang asawa ni Palangdan na pagbili ng mga ginto.

Sa isang panayam, inamin ni Palangdan ang nasabing negosyo ng kaniyang asawa ngunit itinigil na aniya ito sa mga unang buwan ng 2018.

Paliwanag ni Palangdan, tumigil na kasi ang mga minero sa pagbebenta ng ginto sa kaniyang asawa dahil sa buwis.

Aniya pa, napaalalahanan ang mga minero na ibenta ang mga ginto direkta sa gobyerno matapos ang kaniyang pakikipagpulong sa mga opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR), National Bureau of Investigation (NBI) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sa naturang pulong, sinabihan aniya siya ng mga opisyal na kapag hindi nagbenta ng ginto ang mga minero sa central bank, ipahihinto ang kanilang operasyon sa mga militar.

Samantala, iginiit din ng alkalde na sapilitang pinaalis ng pamahalaang lokal ang mga minero bago tumama ang Bagyong Ompong sa lugar.

Ngunit, mas pinili umano ng mga minero na sundin ang kanilang lider na tumangging umalis sa lugar.

Read more...