“Delusional”
Ganito inilarawan ni Communist Party of the Philippines founding chairman Jose Maria Sison si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay kasunod ng pahayag ni Duterte na mapapabagsak niya ang CPP-NPA at ang buong revolutionary movement sa kalagitnaan ng susunod na taon.
Sa kaniyang Facebook post, sinabi ni Sison na nakalimutan ng Punong Ehekutibo na ang kampanya laban sa mass murder, mass intimidation, pekeng pagsuko at police encounters sa ilalim ng Oplan Kapayapaan ang nag-uudyok sa mga tao para paigtingin ang pagtutol sa kaniyang administrasyon.
Dahil dito, masyado na aniyang maraming naiinom na Fentanyl si Duterte.
Alam aniya ng lahat na bankrupt ang gobyerno ngayon dahil sa bureaucratic at military corruption, labis na paggasta sa militar at pulisya, counterproductive projects at patung-patong na utang.
Inilalarawan din aniya ng mga tao si Duterte bilang isang clown dahil sa pag-iisip na mayroon siyang pera para magbigay ng trabaho at pabahay sa milyun-milyong katao na nakikiisa sa revolutionary movement.
Giit pa ni Sison, target na ng mga tao si Duterte dahil sa kaniyang karakter na traydor, mamamatay-tao at corrupt.
Hindi aniya malabo na mapatalsik si Duterte sa kaniyang pwesto kaysa masira ang revolutionary movement sa susunod na taon.