Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na magtayo ang gobyerno ng mga imprastraktura na makakayanan ang hagupit ng malakas na bagyo kasunod ng pananalasa ng Bagyong Ompong.
Sa briefing sa Isabela, sinabi ng pangulo na bahagi na ng buhay ang mga bagyo.
Ito aniya ang dahilan para pag-isipan ng mga kabataan na magkaroon sa hinaharap ng matibay na mga tulay, gusali at ibang istraktura.
Iginiit ni Duterte na dapat magtayo ang pamahalaan ng mga gymnasium na pwedeng gamiting evacuation facility kapag may kalamidad.
Tuwing may bagyo aniya ay problema ng sektor ng edukasyon ang mga evacuees na ginagawang pansamantalang tuluyan ang mga eskwelahan.
Bukod pa aniya sa problemang medikal din ang mga evacuation centers.
Ang pahayag ng Pangulo ay sa gitna ng ulat na nasa 4 hanggang 5 pang bagyo ang papasok sa bansa mula Oktubre hanggang Disyembre.
Pinuri naman ni Duterte ang lalawigan ng Isabela na nagtala ng zero casualty sa Bagyong Ompong