Bilang ng mga nasawi sa pananalasa ng Hurricane Florence, pumalo na sa 33

Nakatakdang bisitahin ni United States President Donald Trump ang North Carolina, na lubhang apektado ng Hurricane Florence, ngayong araw ng Miyerkules.

Batay sa huling datos, 33 na ang bilang ng mga namatay dahil sa naturang bagyo. 26 dito ay mula sa North Carolina, habang 6 naman ang sa South Carolina.

Hanggang sa ngayon ay binabaha pa rin ang ilang mga kalsada, kaya naman hirap ang mga residente na maibalik sa normal ang kanilang mga buhay. Sa katunayan, ayon kay North Carolina Governor Roy Cooper, nasa 1,100 na mga kalsada pa ang sarado dahil sa pagbabaha.

Patuloy pa rin ang pagtaas ng tubig sa mga waterways, dahilan upang mahirapan ang mga otoridad na maibalik ang kuryente at matanggal ang mga nakahambalang na debris sa mga kalsada. 16 na mga ilog ang nag-overflow at may tatlo pang inaasahang tataas ang tubig sa susunod na dalawang araw.

Ayon sa US National Weather Service, 30 trilyong litro ng tubig-ulan ang dala ng bagyong Florence.

Nasa USD17 bilyon hanggang 22 bilyon namang ang kabuuang pinsalang iniwan ng bagyo at posible pa itong tumaas dahil sa patuloy na pagbaha.

Read more...