Pagsusuot ng Arab Costume sa Haloween episode ng Eat Bulaga, kamangmangan

 

“Act of ignorance at insensitivity!”

Yan ang tingin ng Muslim community sa pagsusuot nina Senador Tito Sotto at Joey De Leon ng damit ng mga Muslim o Arabo sa Halloween Special ng Eat Bulaga kahapon.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni ARMM Governor Mujiv Hataman na marami sa kanyang mga kapwa Muslim ang nainsulto at mayroong mga negatibong reaksyon sa costume nina Sotto at De Leon.

Dismayado si Hataman na tila nabuhay ang stereotyping laban sa mga Muslim, at nakakalungkot na para sa ilan, ang kasuotan nila ay pwedeng pang-halloween.

Kinumpirma ni Hataman na susulat sila sa pamunuan ng GMA Network at Eat Bulaga upang iparating ang saloobin ng Muslim community sa kontrobersiya.

Ayon kay Hataman, huwag naman daw sanang ma-misunderstood nina Sotto, De Leon at Eat Bulaga ang kanilang hakbang, pero ang nais lamang nila ay maiparating sa mga ito ang pahayag at panawagan ng mga Muslim.

Sana aniya ay maging aral, hindi lamang para kina Sotto at De Leon ang nangyari, kundi sa iba pa na nasa industriya na huwag gawing katuwaan at katatakutan ang mga Muslim.

Paalala pa ng Gobernador, magtanda na raw sana ang re-electionist na si Sotto lalo’t marami-raming Muslim ang botante sa 2016 Elections.

Nakiusap din si Hataman sa kanyang mga kababayan at kapwa Muslim na maging mahinahon sa gitna ng isyu.

Nauna nang nagdedemand ng ‘public apology’ si Hataman mula kina Sotto, De Leon at producers ng Eat Bulaga.

Read more...